Mabilis ang sinasakyan kong jeep kanina. Antok na antok pa ako pero malinaw kong nakita ang isang agaw-pansing karatula. “Notice of Closure”. Sa pinto ng Jollibee!

Walang pagdadalawang isip. Bumaba ako ng jeep. Muntik masagasaan sa pagmamadaling tumawid. Totoo nga ang bali-balita. Magsasara na ang kinalakihan kong kainan.

Hindi ko agad nagawang umiyak. Natulala lang sandali. Biglang nag-flashback ang masasayang sandali noong bata pa ako. Napabaling ang paningin sa lamesang paborito ko.

Pero walang nakaupo doon ngayon. Wala ring chickenjoy o spaghetting nakapatong. Wala rin akong narinig na halakhak. Higit sa lahat, wala ang paborito kong mascot.

Gusto kong lapitan ang signage. Gusto kong basahin ang maliliit na letrang nakasulat sa ibaba. May kulay red na bahagi nito. Alam kong ito ang exact date of closure. Ilang hakbang pa lang, bigla akong napatigil. Ayokong makita kung kailan. Ayokong magbilang ng araw.

Bigla akong natauhan. Marami na palang matang nakatingin. Nilapitan pa ako ng crew at sinabihang marami pang upuan sa loob, gusto ko raw bang kumain? Napasagot ako ng sige, pagbalik ko na lang.

Tinignan ko ule yung pinto, wala na yung sign. Pag lingon ko may batang nakatingin sakin, bibo, nakangiti, may hawak hawak na laminated bond paper na may sulat na “Notice of Closure”.